PAGCOR, PCSO ibenta pantustos kontra COVID

Nananawagan si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa mga economic manager ng gobyerno na magsagawa ng agarang rebyu sa mga ari-arian ng gobyerno na maaring ibenta para makalikom ng dagdag na pondo para sa kinakaharap ng COVID-19 crisis at ma-counter ang lumalaking deficit bunsod ng pandemic .

“Let us turn this COVID-19 crisis into an opportunity to better utilize government assets. Better utilization of these state assets is long overdue as a national policy,” pahayag ni Drilon sa isang statement.

“As I said before, the government does not have to look far to raise additional revenues. There are ‘low-hanging fruits’ the government can immediately tap to provide the much-needed resources for our country to survive this pandemic,” dagdag pa nito.

Nauna nang inihayag ni Pangulong Duterte noong nagdaang linggo na nakahanda siyang ibenta ang ilang property ng gobyerno para magkaroon ng perang ipangtutustos sa mga taong naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Inihalimbawa ni Drilon ang pagsasapribado ng gaming industry kung saan ang malilikom na pera ay gagamiting ayuda sa mga apektadong mamamayan at makakatulong din aniya ito pantapal sa lumalaking budget deficit ng bansa.

Nauna na umanong sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III sa pagdinig sa Senado noong nagdaang taon na kikita ang gobyerno ng P300 bilyon kung isasapribado ang gaming industry ng bansa.

“We have an untapped ‘goldmine’ that can generate up to P300 billion in fresh revenues yearly. I hope our economic managers will move faster on this this time, because the effects of COVID-19 pandemic will go beyond 2020,” sabi ni Dirlon.

Inaasahang lalaki pa ang budget deficit ng bansa kapag natapos na COVID-19 pandemic.

Nauna nang sinabi ni Dominguez na inaahang madadagdagan ang budget deficit ng bansa sa pagitan ng 3.2% hanggang 5.3%. Ang orihinal na target ng pamahalaan ay 3%.

Paliwanag ni Drilon, author ng GOCC Governance Act, pinapayagan nito ang Presidente na amiyendahan ang charter ng state-owned corporations, kabilang ang PAGCOR at PCSO, na hindi na idadaan pa sa Kongreso.

“If the government really wants to generate more funds to help the COVID-19 affected families, let’s privatize PAGCOR and PCSO,” sabi ni Drilon.

Bukod sa pagsasapribado ng gaming industry, maari rin aniyang ibenta ang Camp Aguinaldo at Camp Crame para mapondohan ang budget deficit at makalikom ng pondo para sa COVID-19 response. (Dindo Matining)