Pagcor pera-pera lang sa POGO – Gatchalian

Puro koleksiyon lang ang alam ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) kaya sarado ang isip nito sa ilang iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.

“Alam naman natin na ang Pagcor nakasarado na ang kanyang isip sa POGO dahil siya lang ang kumikita (P6 billion a year),” pahayag ni Gatchalian sa panayam ng mga reporter.

Sabi pa ng senador, hindi nararamdaman ng Pagcor ang problemang dulot ng POGO sa bansa dahil walang silang alam na gawin kundi ang kumolekta sa mga ito.

“We have to remember ang Pagcor kolekta nang kolekta lang, hindi naman siya ‘yung nagre-raid, hindi naman siya ‘yung nanghuhuli ng kidnappers, hindi naman siya nanghuhuli ng prostitution den, ‘yung mga pulis natin ‘yung mga nanghuhuli,” sabi ni Gatchalian.

“So hindi niya nararamdaman ‘yung problema sa ating komunidad, in fact, ‘di niya nararamdaman ‘yung problema ng ating mga kababayan dahil kolekta lang siya ng kolekta P6 billion a year,” dagdag pa ng senador.

Duda pa ng senador, maa­aring hindi nire-report ng Pagcor kay Pangulong Rodrigo Duterte ang daing ng publiko hinggil sa perwisyong dulot ng paglipana ng POGO sa bansa. (Dindo Matining)