Para kay Senador Win Gatchalian, wala sa hulog ang plano ng Philippine Gaming Corporation (Pagcor) na ilipat sa mga hub ang mga Chinese na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Ayon sa senador, sablay ang planong ito ng Pagcor at sa halip umanong itago ang mga ito, mas nainam na habulin ang mga POGO operator at mga kawani nito sa pagbabayad ng tamang buwis sa gobyerno.
“Pagcor’s plan to transfer Philippine offshore gaming operations (POGOs) to ‘self-contained’ communities or ‘hubs’ may be well-intentioned but it is totally missing the point,” sabi ni Gatchalian.
“What we want is for POGO operators and their employees to pay the correct taxes and not devour local jobs that are exclusively for our countrymen,” dagdag pa nito.
Naunang nang sinabi ng Department of Finance (DOF) na mahigit P32 bilyon kada taon ang hindi nakokolekta ng gobyerno mula sa 138,000 mga manggagawa ng POGO.
“Isolating these firms and workers into hubs will not bring additional revenue for the government, nor will it solve the issue of foreigners encroaching on jobs meant for Filipino citizens,” ani Gatchalian.
“Imbes na ayusin ang problema ay tinatago lang nila ito,” dugtong pa nito.
Matatandaan na sinabi ni Pagcor chairman at executive officer Andrea Domingo na balak ipunin sa mga hub sa Clark, Pampanga at Kawit, Cavite ang mga Chinese worker para maging ligtas sila sa mga kriminalidad sa Metro Manila.
Ito’y bunsod na rin umano ng natatanggap ng reklamo ng mga Pinoy hinggil sa kabastusan ng mga Chinese na nagtatrabaho sa mga POGO.
Pinalagan naman ito ng Malacañang sa pagsabing labag ito sa Revised Penal Code. (Dindo Matining)