Nanawagan si Senador Joel Villanueva sa state gaming regulator na tutukan ang mga kompanyang nagnanais na magpatakbo ng mga offshore gaming operation sa bansa kasunod ng matinding problemang kinakaharap sa mga illegal foreign worker.
Sa isang pahayag, binanggit ni Villanueva na karamihan sa iniisyuhang lisensya ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) tulad ng mga virtual casino o Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) ay madalas gumagawa ng iligal na transaksyon at operasyon sa pagsusugal.
Lumalabas din na hindi namomonitor nang maayos ng Pagcor ang bilang ng kanilang naiisyuhang lisensya para sa virtual casino.
“We are puzzled by the apparent lack of regulatory supervision that the Pagcor should be exercising. It cannot even produce basic data, such as the number of employees of their POGO licensees,” sabi ni Villanueva.
“Ayon sa resource person ng Pagcor, sinabi nila na may 58 POGO licensees sa buong bansa. Ngunit mahirap po atang paniwalaan iyon, dahil libu-libo na ang nahuhuli ng ating mga awtoridad tulad ng Bureau of Immigration (BI), National Bureau of Investigation (NBI), at Philippine National Police (PNP) na iligal na dayuhang manggagawa,” dagdag nito.
Isa umano ang POGO sa dahilan ng paglobo ng mga illegal foreign worker sa bansa, ayon kay immigration chief Jaime Morente.
Ayon kay Morente, karamihan sa mga nahuhuli ng mga immigration operative ay mga Chinese national na walang working permit at nagtatrabaho sa POGO.
Naalarma na rin ang Department of Finance (DOF) sa pamamayagpag ng POGO sa bansa, kung saan nalulugi ang gobyerno ng tinatayang P3 bilyong buwis kada taon.