Hindi bibitawan ni Senador Joel Villanueva ang natuklasan nitong iregularidad sa Bureau of Immigration (BI) kaugnay sa pag-iisyu ng special working permit sa mga dayuhang manggagawa.
Nabatid na karamihan sa mga nakikinabang umano sa special working permit ay mga Chinese na nagpupunta sa Pilipinas bilang turista pero pumapasok sa trabaho kalaunan.
Sinabi ni Villanueva na matapos ang pagpapasa ng 2019 national budget ay magpapatawag siya ng panibagong pagdinig upang mabusisi ang isyung ito.
“We will have another hearing soon,” paniniyak ni Villanueva.
Una nang ipinagtaka ng senador ang pagbibigay ng special working permit ng BI sa mga dayuhang manggagawa na ang trabaho ay kaya namang gawin ng mga Pilipino.
“Meron pong nabibigyan ng SWPs na mismo ang DOLE nagugulat bakit mabibigyan ang isang construction worker, ang call center agent, and this data came from BI, from Office of Deputy Commissioner Javier,” sabi ni Villanueva.
“Call center agent, chef, mechanic helper, mechanic feeder, di po ba yan kayang punan ng ating mga kababayan?” dagdag pa ng senador.
Nilinaw ni Villanueva na hindi siya tutol sa pagdating ng mga dayuhang manggagawa sa bansa pero dapat aniyang matiyak na hindi sila nang-aagaw ng trabaho para sa mga Pinoy.
Nauna rito ay ibinunyag ni Villanueva na natuklasan nila na nag-iisyu ang BI ng special working permit sa mabilisang proseso kapalit ng dagdag na P5,000 na walang resibo.
“If you multiply the number of special working permits with the supposed ‘expedite fee’ being charged there, that’s already around P925 million from January to November 2018. Where did this money go?” tanong pa ni Villanueva.