Naniniwala ang Malacañang na bahagi ng destabilization plot laban sa gobyerno ang pagsasangkot kay Special Assistant to the President (SAP) Christopher Lawrence ‘Bong’ Go sa frigate deal ng Philippine Navy.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nasa Kongreso pa ito noon ay sinabihan na siya na mayroong destabilization plot na magsisimula sa isang ‘mistah’ sa opisina na tumutumbok sa inilutang na isyu ng online news outlet na Rappler.
Pero hindi aniya nasisindak ang Palasyo dahil madali namang depensahan ang bintang kay Go bukod pa sa nagsalita na rin ang mga opisyal na may kinalaman sa frigate deal at nilinis ang pangalan nito.
“Mayroon kasing – consultant ako nu’ng ako ay nasa Kongreso pa at may public relations practitioner. Sinabihan ako na mayroon daw major destab effort na magsisimula daw sa isang mistah sa opisina. So wala namang leak na nangyari pero iyong tanong ni Pia Ranada tungkol dito sa frigate nagsimula talaga diyan sa aking… So sa tingin ko ito na iyong destab na sinasabi nila at ang sa akin naman mag-ingat sila kasi unang-una napakadali namang depensahan iyan,” ani Roque.