Pagdepensa sa Benham Rise itodo

Kailangang itodo ng pamahalaang Duterte ang paninindigan nito sa pagdepensa sa Benham Rise kaalinsunod na rin ito sa napaulat na panghihimasok ng China sa lugar.

Ito ang iginiit ni Senador Win Gatchalian matapos na mapaulat na may namataang Chinese survey ship sa Benham Rise sa bahagi ng Northeastern Luzon na lehitimong iginawad ng United Nations sa Pilipinas noong 2012 na binubuo ng 13 ektarya na sakop ng Aurora province.

“We are now only beginning to discover the true potential of the Benham Rise to make unique contributions to our country’s ecological and economic prospects,” giit ng senador.

Dahil dito, kailangan umanong gumawa ng madaliang aksyon ng pamahalaan upang panindigan ang pagtatanggol sa esklusibong sobereniya nito sa Benham Rise nang masi­guro na ang tanging magbebenepisyo nito ay ang mamamayang Filipino.

Una nang sinuporta­han ni Gatchalian ang pagbuo ng multi-agency authority na siyang magbalang ng long-term policy framework kung paano pangasiwaan ang resour­ces ng Benham Rise at mapalakas ang interes ng bansa sa underwater landmass.