Pagdurusa ni Howie sa COVID-19 idinokumento

Babantayan namin ang pagtiktak ng orasan ngayong Sabado. May binabantayan kaming palabas na hindi namin dapat palampasin.

Matinding lungkot at panghihinayang ang mararamdaman namin kapag nakawala ang I Witness ngayong alas kuwatro singko (4:05) nang hapon sa GMA-7 sa aming paningin.

Pagdating sa pagbabalangkas ng mga dokumentaryo ay may marka sa amin ang pangalan ni Howie Severino. Malinaw siyang magtawid ng kuwento, marespeto ang kanyang atake, mula sa umpisa hanggang sa huli ay hindi ka bitbitiw sa kanya.

Pero kakaiba ang kanyang istorya ngayong hapon, ang matinding pagdurusang pinagdaanan niya sa pagiging positibo sa COVID-19 ang iikutan ng palabas, idinokumento niya ang lahat ng naganap sa kanyang buhay mula nang unang araw niya sa pakikipaglaban sa kamatayan hanggang sa makaligtas siya.

Sa patikim na kuwento ni Howie Severino tungkol sa karanasang hinding-hindi niya na makakalimutan ay sinabi niya na kapag nasa ganu’ng sitwasyon pala ang kahit sino ay puro pagpanaw ang naglalaro sa kanyang isip.

Isang nurse na nag-aalaga sa kanya ang tinuruan ni Howie sa paggamit ng camera sa kanyang cellphone. Nasa isolation room siya, hindi puwedeng dalawin ng kahit sino, tatlong linggo niyang hindi nakasama ang kanyang pamilya.

Negatibo ang takbo ng kanyang isip, palaging kamatayan ang sumisiksik sa kanyang utak, dahil sa sobrang takot at depresyon.

Dati na kaming pinahahanga ni Howie Severino sa pagtatawid ng kanyang mga dokumentaryo sa I Witness. Inaabangan namin palagi ang mga sultadang siya ang tumitimon sa paglalahad ng kuwento.

Pero kakaiba ang inaabangan naming palabas mamaya, personal na pakikipagtuos sa kamatayan ang pinagtagumpayan ni Howie, isang parang multong hindi nakikita pero pumapatay ang kanyang nakatunggali.

4:05 nang hapon ngayong Sabado ang I Witness sa GMA-7. Sama-sama po tayong tumutok.

-o0o-

Mga pasaway type agad makita si kamatayan

Talagang dapat nang gamitan ng kamay na bakal ang mga kababayan nating sobrang pasaway. Hindi naman ang kapakanan ng kanilang pamilya ang una nilang iniintindi kundi ang pagsuway sa payo ng DOH at ng ating pamahalaan.

Tama ba namang sa isang panahon tulad nito na malaking tulong ang enhanced community quarantine para sa hindi pagkalat ng coronavirus ay saka naman parang hinahamon nila si kamatayan sa paglabas pa rin ng kanilang bahay at magpapabuy-laboy sa kung saan-saan?

Kaligtasan ang panalangin ng mas nakararami ngayon, maraming sumusunod sa anunsiyo ng DOH para maiwasan ang mahawa at makapaghawa ng mikrobyo, pero sadya nga yatang may mga taong hindi nakakaramdam ng malasakit sa kanilang mga sarili at sa kapwa nila.

Sabi nga ni prop, “Kung gusto nilang makita agad si kamatayan, e, huwag na silang mangdamay pa! Mahigpit na ngang ipinagbabawal ang paglabas ng bahay, pero ano pa rin ang ginagawa ng mga pasaway na ‘yun.

“Nag-iinuman sila nang kumpol-kumpol, nagtutupada pa! Talaga nga sigurong kamatayan ang hanap nila!” inis na inis na sabi ni prop.

Nu’ng isang gabi, dahil sa sobrang inis na rin ng ating pangulo, ay binanggit na rin niya sa kanyang opisyal na pahayag ang paksa ng Martial Law.

Nu’ng umiiral nga naman ang Batas Militar ay nagkaroon ng disiplina ang mamamayan. Kapag kumontra kasi at hindi sumunod ay siguradong may paglalagyan, ang paghimas sa malamig na rehas na bakal, kailangan pa bang ibalik ang Martial Law para lang huminto ang mga pasaway sa katigasan ng ulo?

Hay, naku naman!