Paggunita ng Holy Week naging mapayapa — NCRPO

Generally peaceful. Ito ang ipinagmalaki ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nagsabing mapayapa at walang naitalang anumang hindi inaasa­hang insidente sa buong paggunita ng Holy Week.

“Naging payapa at maayos po ang kabuuan ng monitoring natin dito sa NCR, wala po tayong naitalang major o kahit na minor incident, kahit po ‘yung mga street crimes gaya ng snatching ay wala po sa limang police districts natin dahil napakarami po ng ating mga ipinakalat na pulis,” pahayag ni Albayalde.

Pero, ayon kay NCRPO director Chief Supt. Oscar Albayalde, mananatili pa rin na alerto ang puwersa dahil sa muling pagbabalik sa Metro Manila mula sa bakasyon sa mga probinsya ng mga tao upang masiguro ang kaligtasan.

Samantala, patuloy din ang mahigpit na seguridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at mga pantalan kung saan inaasahan din ang pagdagsa ng bultong pasaherong magmumula naman sa ilang tourist destinations sa bansa, patikular na ang isla ng Boracay, Bohol at iba pang lugar na dinarayo ng mga turista.

Gayundin ay mananatili sa full alert status ang NCRPO kahit tapos na ang paggunita sa Semana Santa.