Paghandaan ang malakas na bagyo

Kaye Dacer

Katakot naman itong babala ng Philippine, Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, (Pagasa) na maaaring maihalintulad sa typhoon ‘Ondoy’ ang paparating na tag-ulan.

Ayon sa Pagasa, malaki ang posibilidad na ang mga bagyong darating ay malalakas at maraming tubig ang ibabagsak sa kabila ng nanaig na El Niño.
Galing na mismo sa Pagasa ang babala kaya’t sana naman ay makinig ang mga kinauukulan at maging ang bawat isa sa atin.

Paghandaan natin ang nakaambang mala­kas na buhos ng ulan na ikinukumpara sa bagyong ‘Ondoy’ upang sa gayon ay hindi naman tayo maperwisyo nang todo.

Ang mga ahensya ng gobyerno at maging ang mga local government unit ay maghanda na rin sana upang sa gayon ay maayos na ang dapat ayusin katulad ng mga nakatiwangwang na mga proyekto na nagdudulot ng pagbaha.

Huwag na nating hintayin ang pagbuhos ng malakas na ulan bago tayo kumilos.
***
Painit na nang painit ang bakbakan sa Spea­kership sa Kamara.

May kani-kaniya nang pasabog ang mga aspirante para ipakitang malakas ang kanilang puwersa.

Mayroon ding mga nagpapatawag ng meeting at pinakahuli ay nangyaring pagtitipon sa Pampanga ng ilang mambabatas.

Ipinatawag ang pulong para sa isang simpleng seminar ng parliamentary rules and procedures na inis­yatibo ni Taguig congressman-elect Alan Peter Cayetano.

Siyempre kasama sa mga delegado ay ang mga kongresistang magiging bahagi ng 18th Congress pero para higit na maging makahulugan ay may tatlong bigating mga miyembro ng gabinete na nakibahagi sa pulong.

Ito ay sina Finance Secretary Carlos Dominguez, Transportation Secretary Arthur Tugade at Public Works Secretary Mark Villar.

Sa dinami-dami ng mga miyembro ng gabinete, ang tatlo ang napiling imbitahan ni Cayetano dahil sila nga naman ang madalas makasalamuha ng mga kongresista sa pagrerekomenda ng mga infrastructure projects sa national budget at pagbubuo ng mga batas na kailangan ng pondo.

Ang punto ko sa pagbanggit sa presensya ng hebigat na gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte ay malaking tulong ito para sa mga bagitong mambabatas na malaman ang tamang proseso sa pag­latag nila ng panukala.

Ibig sabihin ay kapaki-pakinabang ang mga isinusulong na aktibidad ni Cayetano kum­para sa ibang naba­balitang kandidato na wala na yatang ginawa kundi magpatawag ng meeting para hingin ang suporta o boto ng kanilang mga kabaro kapalit ng paglalatag ng kung ano-anong pakinabang.

Hay naku, magbago na kayo, isipin naman ang kapakanan ng taumbayan at hindi ng inyong mga sarili lamang.