Dear Abante Tonite,
Kailangang maging handa na tayo sa panahon ng tag-ulan lalo ngayong madalas nang umulan sa hapon at gabi.
Panawagan ko po sa mga pamahalaang lokal na ngayon pa lang ay linisin na nila ang mga imburnal at iba pang daluyan ng tubig para maibsan ang perwisyong dulot ng mga pagbaha.
Sana tumulong na rin ang mamamayan doon sa mga lugar na palagiang binabaha. Hindi makakayanan ng pamahalaang lokal kung sa kanila lang ipapaubaya lahat ang paglilinis. Kailangan ang kooperasyon ng lahat dahil lahat naman tayo apektado kapag nagkakaroon ng mga pagbaha.
Alam din natin na kapag tag-ulan may hatid din itong iba’t ibang sakit katulad ng ubo, sipon, lagnat. Ang pinakamabigat ay dengue at ang leptospirosis na dulot ng bakteryang galing sa hayop, pangunahin na ang daga.
Dapat alerto at maging maingat tayo para na rin sa kaligtasan nating lahat. Hindi naman nagkukulang ang pamahalaan sa pagpapaalala sa atin. Ang kailangan natin ay sumunod sa mga abiso o paalala at huwag nang matigas ang ulo.
Huwag ipagwalang-bahala ang mga babala. Huwag rin ipaubaya na lamang sa mga awtoridad ang pangangalaga sa inyong kaligtasan.
Emil ng Pasig City