Paghati sa cash aid kinontra ni Sotto

Hindi kinagat ni Senate President Vicente Sotto III ang panukalang hatiin ang ibinibigay ng pamahalaan na cash aid para sa mahihirap ng pamilyang naapektuhan ng novel coronavirus (COVID-19) crisis.

Ayon kay Sotto, sapat umano ang pondo ng gobyerno sa pinatutupad ng emergency subsidy program kaya’t hindi na ito dapat hatiin pa.

“Bakit ibaba eh kung kaya ‘yun P6,000 and P8,000? Ang liit na nga nun P6,000 and P8,000 ah?” pahayag ni Sotto sa mga Senate reporter.

“Huwag nilang ipilit na walang pera gobyerno. Meron! Ilang beses nang sinabi ‘yan ni President Rodrigo Roa Duterte,” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act, may 18 milyong mahihirap na pamilyang Pinoy ang tatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 para sa dalawang buwan matapos ipatupad ang enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Isa si Sotto sa mga pulitikong humikayat sa gobyerno na palawakin pa ang assistance program sa middles class na pamilya na dumaing din ng tulong sa gobyerno gayong sila naman umano ang nagbabayad ng buwis.

“During the time we were passing the law, sa government-owned and controlled corporations pa lang almost P200 billion na. May savings pa last year… Their problem is identification and info dissemination,” paliwanag ni Sotto.

Ginawa ni Sotto ang reaksyon matapos imungkahi ng DSWD sa oversight committee na amiyendahan ang Bayanihan We Heal as One Act at hatiin ang P5,000 hanggang P8,000 na cash subsidy nang sa gayon ay maraming pamilya ang makinabang sa naturang programa.

Nitong nagdaang linggo, nakapamahagi na ang gobyerno ng P16.34 bilyon na cash aid sa 3.72 milyong mahihirap na pamilyang Pinoy. (Dindo Matining)