Paghigpit sa blotter, media report pinigilan

pnp

May inilabas na mga panuntunan ang Phi­lippine National Police (PNP) kung saan hinigpitan nito ang media coverage sa kanila.

Gayunman, nabatid na inawat diumano ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Guillermo Eleazar ang pagpapatupad ng media guidelines ng PNP.

Ayon kay Eleazar, kamakailan lamang ibinaba ang nasabing panuntunan sa mga himpilan ng pulisya pero pansamantalang pinigil ang implementasyon nito sa Metro Manila dahil umano sa inaasahang pagtatanong sa kanila ng media.

Base sa PNP Freedom of Information (FOI) flow chart, hinigpitan ang pagsilip ng media sa police blotter dahil kinakailangan munang mag-fill up ng isang reporter ng request form at isa-submit ito sa FOI receiving officer.

Kinakailangan pang maghintay ng 15 araw upang maaprubahan ang kahilingan ng media para masilip ang ­police blotter.
Ibig sabihin, sakaling may isang malaking pangyayari o krimen, nangangahulugan na bago makakuha ng de­talye ang media ay hindi lang ito panis kundi bulok na ang istorya.

Sa ngayon ay tanging ang PNP lang ang may kopya ng nasabing panuntunan at wala pang ibinibigay na kopya nito sa media dahil sa posibleng pumalag umano ang mga reporter.

Wala pang ibinibigay na pahayag ang pamunuan ng PNP sa Camp Crame tungkol sa nasabing isyu.