Dear Kuya Rom,

Wala na kaming mga magulang. Ang ate ko ay nag-iisang kapatid ko. Dati very close kaming dalawa. Laging magkasama, laging may kuwentuhan at tawanan. Pero nagkaroon ng pagbabago, at nagkalayo kami.

Siya ay nag-asawa at nagkaroon ng mga anak. Pagkaraan ng limang taon, naghiwalay sila ng kanyang mister, at inilayo sa kanya ang mga bata. Naging malungkot ang kanyang buhay.
Ako naman ay kontento. Natagpuan ko kasi ang taong nagmamahal sa akin. Alam ko na ngayon ang meaning ng happy.

Nagkaroon kami ng contact na magkapatid sa internet. Nagawa naming magkita minsan sa isang buwan.

Pero nang lumaki ang pressure sa trabaho, hindi ko na madalas na nakakausap siya. Sinabi kong hindi na maluwag ang oras ko kaya’t hindi ko agad nasasagot ang message niya. Nagalit siya. Naging toxic ang communication namin.

Dumating ang wedding day ko. Alam niyang siya lang ang kadugo kong natitira sa Pilipinas, dahil lahat ng kamag-anak namin ay nasa abroad na. Imbitado siya, pero hindi siya sumipot sa kasal ko. Nasaktan ako.

Anuman ang dahilan kung bakit hindi niya ako sinuportahan sa araw na kailangan ko siya, wala akong alam. Masama ang loob ko sa kanya.

Kuya, tawagin mo na lang akong ‘Ofel’. May mga kaibigan akong sumusuporta sa akin, pero iba rin ang family support, at si Ate na lang ang alam kong pamilya ko. Pero bakit ganito siya? Malaki ba ang naging atraso ko sa kanya? Ito ba ay paghihiganti niya?

Ngayon, parang nahahati ang aking dibdib. Patuloy ko bang kontakin siya para ayusin ang hindi pagkakaintindihan namin at magpatawaran? O kalimutan ko na lang na may kapatid ako? — Ofel

Dear Ofel,

Ang hindi pagdalo ng ate mo sa kasal mo ay parang isang uri ng paghihiganti, protesta, at parusa sa iyo. Nagawa niya ito sa iyo sapagkat siya ay nag-iisa sa buhay.

Kailangan niya ng pagtingin mo, at posibleng nasisira ang araw niya kapag hindi niya nakukuha ang atensiyon mo. Masasabing malaking kasalanan sa kanya ang hindi mo pagsagot agad sa kanyang message. Sumama ang loob niya at ginantihan ka.

Alam niyang importante sa buhay mo ang kasal mo. Pero marahil, para sa kanya, huwag na huwag mong kalilimutan kung ano importante rin sa buhay niya.

Kung ito ang pananaw niya, hindi mo ito mababago. Tanggapin mo na ganito siya na walang panghuhusga. Patawarin mo siya sa hindi niya pagsuporta sa iyo.

Mainam na patuloy na kontakin mo siya. Huwag kang mananawa. Kung magagawa mo, kontakin mo rin ang kanyang mga kaibigan. Alamin mo ang kalagayan niya. Mahalaga ang pamilya. Idalangin mo sa Diyos na maibalik ang mabuting pagtitinginan ninyong magkapatid. May God bless you!

Payong kapatid,

Kuya Rom