Paghina ng loob walang puwang kay VP Leni

Leni Robredo

Sa kabila ng mga kontrobersiyang kinakaharap sa pagiging public official, aminado si Vice President Leni Robredo na hindi ito pinanghihinaan ng loob dahil isa sa kanyang inspirasyon ay ang mga tao na patuloy pa ring nagtatrabaho at tumutulong sa kapwa na s’ya umanong mas mahalaga kumpara sa anupamang pagsubok.

Sa kanyang talumpati sa ika-30 anibersaryo ng Center for Agriculture and Rural Development Mutually Reinforcing Institutions sa Laguna Bay, sinabi ni Robredo na napakaliit ng kanyang mga kinakaharap na pagsubok kumpara sa dinaranas ng iba.

“Sa gitna po ng maraming pagsubok lalo na po sa aking sarili, maraming pagsubok bilang public official, parang lahat ng pagsubok na ‘yun, napapaliit kung nakikita ko ‘yung mga taong kagaya n’yo, na sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay kabutihan lamang, pagsisipag, pagbibigay ng inspi­rasyon ‘yung pinapakita,” pahayag ni Robredo.

Muli ring pinahalagahan ni Robredo ang ­malaking tungkulin ng mga Nanay sa kanyang pamilya sa komunidad, sa kabuuan.

Bagama’t kumalas na sa gabinete ng Duterte administration, mapagpakumbaba pa rin na sinabi ni Robredo na patuloy pa rin itong lalapit at makikipagtulungan kay Pangulong Rodrigo Duterte na kanya umanong tungkulin bilang Vice President.