NABUKO kung paano maghugas ng buhok si Udonis Haslem.
Sa Instagram Live ng mag-asawang Dwyane Wade at Gabrielle Union, biglang nasingit si Haslem.
Sinasagot ng dalawa ang tanong ng kanilang followers nang makatuwaan ni D-Wade na ilagay sa speaker phone ang usapan nila ng dati niyang teammate sa Miami Heat.
Nataon palang naghuhugas ng buhok si Haslem, dinedetalye niya kung paano ang routine niya.
Tatlong yugto pala kung maghugas siya.
Una ay shampoo, sunod ang conditioner at isa pang deep conditioner.
Nakikinig lang sina D-Wade at Gabrielle, halatang tuwang-tuwa sa routine ng 39-anyos na veteran.
Nang dumating sa NBA si Haslem noong 2003, mahaba pa ang buhok dahil naka-braid – parang linya ng mga tanim na mais na may puwang sa pagitan ng bawat kumpol.
Sa kanyang 17th season, maigsi na ang buhok ng 6-foot-8 forward.
Sinasabing final season na ni Haslem sa Heat ang 2019-20, natigil pa dahil sa coronavirus. (VE)