Panunuya at hindi paniniwala ang naging tugon ng mga kababayan ni Hesus sa kanyang mga pahayag sa sinagoga ngayong Linggo (Lc 4: 21-30). Sa simula, excited makinig sa pangaral niya ang mga Taga-Nazareth ngunit nang marinig ang aral tungkol sa kabutihang-loob ng Diyos sa mga hindi-Judio, nagalit sila nang husto, nagtindigan at ipagtabuyan ang Panginoon palabas upang ibulid sa taluktok ng burol.
“Walang propeta ang kinikilala sa kanyang sariling bayan!” Ito ang naging saad ni Hesus sa kanilang reaksiyon. Nasaktan ng Panginoon ang pride ng kanyang mga tagapakinig na hindi makapaniwala kung paano nalampasan ng isang anak ng isang hamak na karpintero ang kanilang talino. Lubos nilang ikinagulat nang ipahayag ni Hesus na siya na ang kaganapan ng propesiya ni Isaias.
Hindi nila matanggap na ang nasa kanilang piling at itinuturing na karaniwang kababayan ay ang ipinangakong Mesias, ang Anak ng Diyos— Diyos hindi lamang ng mga Judio kundi ng lahat ng tao. Nanatiling sarado ang kanilang isip sa katotohanan na hindi lamang ang mga Judio ang makikinabang sa masaganang pagpapalang hatid ng Mesias sa buong sangkatauhan.
Saad ni Sis. Jean Rollin Marie Flores, SSP, “Hindi kukulangin o kakapusin ang kagandahang-loob ng Diyos para sa lahat ng taong nilikha niya. Hindi rin siya mauubusan ng paraan para maipadama ang kagandahang-loob na ito at maipamahagi ang kanyang pagpapala sa lahat ng tao, sa lahat ng panahon. Ginagamit ka niya, ako, tayo, kahit sino, para maghatid ng mabubuting bagay mula sa Diyos sa kahit sinong anak ng Diyos.”
Ayon sa Simbahan, hindi madali ang mahirang bilang ‘propeta’ na tumatayong kunsensiya ng sambayanan ng Diyos; sapagkat ang isang tunay na ispiker ng langit ay hindi hangad ang popularidad kundi katapatan lamang sa misyon. Ang pananatili sa katotohanan ng isang propeta ay sanhi ng lakas at pag-asa sa tanan. Dahil sa malasakit sa kapwa, nananatili siyang tapat kahit sa gitna ng mga pagsubok, kahirapan, oposisyon at maging persekusyon!
Sa Fundamental Theology, si HesuKristo na Prophet par excellence ang ‘Mensahero’ at ‘Mensahe’ ng Ama- Siya ang nanatiling ‘compassion’ o mukha ng awa ng Diyos. Turo ni Bishop Teodoro Bacani, Jr., “to be compassionate does not mean that one always does what is pleasant to the other person. Sometimes a compassionate person must hurt the one for whom he has compassion. When a person needs to know the truth, he must be told it even if it hurts.”
Sa huli, hamon sa mga totoong Kristiyano ang Mabuting Balita ngayong araw, upang tularan ang malasakit ni Hesus sa lahat ng tao. Sa bisa ng Sakramento ng Binyag, nakikiisa tayo sa pagiging propeta ni Kristo na nag-aanyaya sa ating magmalasakit sanhi ng tunay na pag-ibig para sa kapakanan at kaligtasan ng tanan. Nawa manatili tayong bukas at tapat sa Diyos na siyang Katotohanan.