Kinontra ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na mahalaga ang pagiging matapat at hindi corrupt sa mga aplikante sa posisyon sa pamahalaan.

Ayon kay PPCRV vice chairman for internal affairs Bro. Johnny Cardenas, hindi sapat ang pagi­ging matapat lamang ng isang indibidwal upang magsilbi at maglingkod sa pamahalaan.

Mahalaga aniyang katangian ang katapatan sa pagiging lider o opisyal ng pamahalaan pero mas mahalagang batayan aniya ang kakayahan ng isang indibidwal.

Paliwanag ni Cardenas, kailangang matiyak na mayroong kakayahan ang sinuman upang mahusay na magampanan ang kanilang tungkulin hindi lamang para sa ikabubuti ng pamahalaan kundi para sa pangkabuuang kalagayan ng bayan.

Dahil dito, hinimok ni Cardenas ang mga botante na manaliksik sa kakayahan, katangian at karakter ng mga kumakandidato bilang mga opisyal ng bayan.

Iginiit ni Cardenas na dapat ding magsakripisyo ang mga botante para sa nakatakdang 2019 midterm election sa susunod taon sa pamamagitan ng pagkilala sa mga kandidato at maging sa mga opisyal na itinatalaga sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan.

Isa aniya itong paraan upang maipakita sa ba­yan ang pagmamalasakit at pakikialam.

Samantala, ilalabas ng Commission on Elections­ (Comelec) hanggang ngayong araw ang pinal na listahan ng mga kandidato para sa nakatakdang halalan.

Sa tala ng komisyon, umabot sa 152 ang naghain ng Certificate of Candidacy (CoC) sa pagka-senador habang umabot naman sa 185 ang naghain ng Certificate of Nomination at Certificate of Acceptance of Nomination upang maging kinatawan ng iba’t ibang partylist group.

Sa kasalukuyan, mayroon ng mahigit 700,000 ang volunteer ng PPCRV mula sa iba’t ibang diyosesis sa buong bansa na layuning maging pangunahing tagapagbantay ng Simbahang Katolika sa pagkakaroon ng isang maayos at tapat na eleksyon sa Pilipinas. (Mia Billones)