Walang naging pagkukulang ang Malacañang sa isinumiteng 2019 proposed national budget sa Kamara.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo matapos mabigo ang Kongreso na pagtibayin ang panukalang budget para sa susunod na taon dahil sa ilang kuwestiyon sa umano’y mga isiningit na dagdag-pondo para sa ilang kongresista.
Sinabi ni Panelo na hindi maibubunton ang sisi sa Palasyo sa aberya dahil maagang naisumite ang proposed budget sa Kongreso.
Kung anuman ang dahilan ng delay sa 2019 budget ay ang Kamara na aniya ang makapagsasabi nito.
“Well, they have their own reasons why there was a delay in the approval of the budget.What is important to us is that, we did our duty and the failure is not on our part but on them,” ani Panelo.
Ang mga kuwestiyon aniya sa sinasabing insertions sa proposed budget ay nagmula sa Kamara kaya dapat na ang mga mambabatas ang magbusisi nito.
Sinabi ni Panelo na malinaw ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Congressman Andaya na ‘do your job’ nang ipinakita ang umano’y misalignment sa panukalang pambansang budget.