Nilinaw ni Glaiza de Castro na hindi naman siya nagselos kina Kim Chiu at Bela Padilla nang magpa-dot tattoo ang mga ito sa kamay with Angelica Panganiban na best friend din niya.

Matatandaang nag-post kasi si Angelica matapos silang magpa-tattoo na sinasabi niya kay Glaiza na huwag na raw magselos at mahal naman daw niya ito.

Tawa nang tawa si Glaiza sa issue nang makausap namin kahapon sa contract signing niya with Symply G Hair and Skin Care bilang bagong ambassador.

“Hindi, sobrang pina­laking issue lang ‘yun, pero kasi siyempre, nu’ng time na sinabi ko, pero binibiro ko lang si Angge (nickname ni Angelica), sabi ko, ‘kayo nga, nagpa-tattoo ng dot, eh,’ tapos sabi niya, ‘o, ‘wag ka na magselos,’ ganu’n, tapos in-IG-IG na niya,” paliwanag ni Glaiza.

Wala raw siyang pagseselos sa Ang Beki (grupo nina Angelica, Bela and Kim).
“Kasi, kakilala ko naman sina Kim, sina Bela, so, alam ko, meron silang grupo.”

Kasali naman daw siya sa grupo nila in the sense na ‘yung mga kaibigan ni Angelica ay kaibigan din niya.

“Kung baga, not as close as Angge, dahil siyempre, si Angge, mas nakakasama ko. Sina Bela, nagkikita lang kami kapagka, kunyari, pumupunta sila sa bahay ni Angel (another nickname ni Angelica) or may isang night out lang kami, tapos si Kim, nandu’n. So parang mga twice or once lang nangyari ‘yun.

“Pero ayun, wala naman akong issues kasi, sa tinatagal-tagal ko naman na kakilala na siya, parang kung baga, hindi naman na sa akin issue ‘yun,” sey ni Glaiza.

May sarili naman daw silang friendship ni Ange­lica at aniya, “lahat naman ng tao, ‘di ba, may kanya-kanyang set of friends din, sa akin din naman, na nasa network ko.”

At dahil nga napag-usapan na rin lang si Angelica, natanong din si Glaiza tungkol sa nangyari sa aktres at kay Carlo Aquino.

“Basta ang masasabi ko, hindi dapat i-blame kay Angge kung anuman ang nangyari sa kanya kasi, babae lang siya na ano. . . nagpupursigi sa life.”
May “paasa” bang nangyari?

“Naku, baka mamaya. . .” nag-aalalang sabi ni Glaiza sa maaari niyang masabi, “basta ‘yun lang ang alam ko sa ngayon. ‘Yun lang ang masasabi ko. Tama na muna ang showbiz.”

Ang payo raw niya kay Angelica ay mag-explore na outside showbiz.
Pero sa nangyari kina Angge and Carlo, siyempre raw ay nasa kaibigan niya ang kanyang simpatiya. Hindi raw siya galit sa aktor pero nalungkot daw siya para kay Angellca.

Samantala, happy ang Kapuso actress na siya ang latest addition to the growing numbers of endorsers of Simply G.

“It gives me a great feeling to be trusted by Simply G to be part of their company. I would like to thank Sir Glenn (Sy, Symply G President) and Sir Marlon (Fajardo, Marketing Manager) for believing in me,” pahayag ni Glaiza.

***

Tuloy-tuloy na ang ta­ping ng bagong Kapuso rom-com series na “Love You Two.” Pagbibidahan ito nina Kapuso Ultimate Star Jennylyn Mercado, Shaira Diaz at Gabby Concepcion.

Masaya si Jen na makatrabaho sina Shaira, Jerald Napoles, Kiray at iba pang Kapuso stars.

Lalong na-excite si Jen tuwing taping dahil katrabaho niya si Gabby na leading man niya sa serye. Ayon sa Ultimate Star, dati ay pinapanood lang niya ang aktor pero ngayon ay katrabaho na niya ang kanyang idolo.

Nakaka-relate nga si Jen sa role niya sa serye dahil sa totoong buhay siya rin ang nagtataguyod sa kanyang pamilya na katulad ng sitwasyon ni Raffy sa Love You Two.

Abangan ang nalalapit na pagsisimula ng primetime series ngayong Abril sa GMA.