Kasunod ng pag-atake ng umano’y casino player sa Resorts World Manila na ikinamatay ng 37 inosenteng mamamayan, iginiit ng dalawang mambabatas na palakasin ang Mental Health Law upang maagapan ang mga nabubuwang dahil sa dami ng problema.
Ginawa nina Ifugao Rep. Teddy Brawner Baguilat at Marikina Rep. Miro Quimbo ang nasabing panawagan sa mga lider ng dalawang Kapulungan ng Kongreso dahil hinihinala ng marami na nasira ang ulo ng suspek matapos malulong sa sugal.
“Mental Health Law we are pushing should be passed ASAP. Terrorists, addicts, deranged gunman going amok have mental problems. Things happening in the US (United States) of a lone wolf just going amok now happening in Philippines. Need for stronger mental health programs,” ani Baguilat.
Ayon kay Baguilat, kailangang pagtuunan na ng pansin ang pagpapalakas sa mental health upang maagapan ang mga taong nasisira ang ulo, dahil sa pagkalulong sa sugal, ilegal na droga at iba pa.
Sa panig naman ni Quimbo, isa sa mga may-akda sa Mental Health Law, hindi lamang ang pangangatawan ng mga mamamayan ang dapat tutukan ng gobyerno kundi ang kanilang pag-iisip.
Dahil dito, kailangan na aniyang bigyan ng atensyon ang isyu sa mental health dahil bukod sa mga nagtataglay aniya ng karamdaman sa pag-iisip ay nanganganib din ang buhay ng mamamayan sa mga ito kapag hindi sila nagamot.