Patuloy ang pagbabagong buhay ni Sabrina M pagkatapos ng unos na kanyang pinagdaanan.
Ilang taon din siyang nakulong sa piitan. Pagkatapos ng kanyang mga pinagdaanan, mayroong mga tao sa kanyang paligid na hindi siya binibigyan ng buong pagtitiwala na puwede pa niyang ayusin ang takbo ng kanyang buhay. Sa ngayon daw ay hindi siya sumusuko na patunayang tinutuwid niya ang kanyang pagkakamali.
Pinagtitiisan ni Sabrina ang mga naririnig na hindi magagandang salita mula sa ibang tao. “Wala naman ‘yon sa akin. Kumbaga, ako sa sarili ko ay alam ko naman ang totoo na inaayos ko ang direksiyon ng buhay ko. Sa ngayon ay may advocacy akong ginagawa tungkol sa anti-illegal drugs. Doon ay masaya ako na naibabahagi ko sa mga tao kung ano ‘yung naging karanasan ko. Kung paano ulit ako bumabangon para sa sarili ko at para sa mga taong nagmamahal sa akin,” kuwento ng aktres.
Gusto niyang ring muling bumalik sa pag-aartista. Kung mabibigyan siya ng pagkakataon ni Coco Martin ay gusto rin niya umarte sa “FPJ’s Ang Probinsyano.”
Ipinagpapasalamat din niya na sa kabila ng kanyang mga pinagdaanan ay ang kanya pa ring pamilya ang pinaghuhugutan niya ng lakas ng loob.
Sabi pa ni Sabrina, “Ang mga anak ko, kahit mga bata pa sila ay naintindihan nila na nagkamali ako. Nakikita rin nila na inaayos ko ngayon ang direksiyon ko. Hindi rin ako tinalikuran ng mga mahal ko sa buhay,” pagtatapos niya.