Pagkamatay ng Maute financier bineberipika

Masusi pang bineberipika ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ulat na kabilang sa napatay sa bakbakan sa Marawi ang tumatayong financier ng mga terorista na si Malaysian Mahmud bin Ahmad.

“Itong si Mahmud na sinasabing naging financier, ‘yan pong mga ‘yan ay raw information pa rin na kinakailangan pa pong bigyan ng patibay at sinisikap namin gawin ‘yon,” ayon kay AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla.

Unang iniulat ng AFP na nakatanggap sila ng report na napatay na si Mahmud nang sumiklab ang Marawi siege.

Si Mahmud, na isang dating university professor, ang sinasabing nanga­lap ng P30 million halaga ng pondo mula sa ISIS na ipinambili ng mga armas at bala ng Maute Group.

Kabilang din si Mahmud sa pulong ng Maute brothers at ni Isnilon Hapilon sa pag-atake sa Marawi.

Samantala, patuloy pa ang pag-atake ng mili­tar sa pinagkukutaan ng Maute sa Marawi City.

Sinimulan ng militar bandang alas-otso ng umaga kahapon ang airstrike kung saan hindi bababa sa walong bomba ang pinakawalan ng Philippine Air Force sa lugar na pinaniniwalaang pinagkukutaan ng mga terorista.

Sa pagtaya ng militar, umaabot sa 100 hanggang 120 pa ang miyembro ng Maute Group ang hinihinalang nasa loob ng Marawi at patuloy na lumalaban sa tropa ng pamahalaan.

Sa kabuuan ay halos 400 na ang naitatalang patay sa mahigit isang buwang bakbakan kung saan halos 300 sa mga ito ay pawang terorista.

Sa pinakahuling ulat, problemado na umano ang grupong Maute sa kanilang liderato sa harap na rin ng ginawa umanong pag-abandona ng kanilang lider na si Isnilon Hapilon.

Ayon kay Marine Col. Edgard Arevalo, chief ng Public Affairs Office ng AFP, maging ang isa sa magkapatid na Maute na si Omar Maute ay hindi na rin nakikita at hinihinalang ito ay patay na.