Muli na namang “pinatay” sa social media si Bamboo Manalac.
Sa viral na post, makikitang namatay daw sa aksidente ang “The Voice Teens Philippines” coach.

Makikita ang mga katagang, “BREAKING NEWS: PAALAM BAMBOO MANALAC, Salamat Sa Inspirasyong Binigay Mo 1976-2020”.

Kapag pinindot ito ay bubukas ang website na https://netw0rk channel.wereblogs.com/#read/871 kung saan makikita ang pekeng video ng aksidente umano ni Bamboo, pero kapag binuksan ay hindi ito gagana.
Mayroon na itong 2.9M views.

Samantala, nalungkot naman ang kampo ni Bamboo sa fake news na namatay na ang singer.

Anila, buhay si Bamboo at abala ito sa pagiging coach sa “The Voice Teens Philippines” ng ABS-CBN.

Hindi ito ang unang pagkakataon na napabalitang namatay ang singer.

Noong nakaraang taon ay kumalat ang fake news na pumanaw si Bamboo sa karambola ng sasakyan sa lalawigan ng Quezon.

“BAMBOO MANALAC Patay matapos madamay sa karambola ng mga sasakyan sa Quezon,” sabi sa video na naka-post sa mga website na thetrue.i-witnesstv.com at h0tbuzz.phtrends.info. (IS)