Pagkansela sa 45th PBA season maaari – Marcial

Extended muli ang enhanced community quarantine hanggang May 15 sa NCR, mas malamang na hindi pa rin makakabalik ang PBA.

March 11 kinansela ang Philippine Cup dahil sa coronavirus disease 2019, nakadepende ang pagpapatuloy o kanselasyon ng liga sa sitwasyon.

Ibig sabihin ay bawal pa rin ang mass gathering.

Pagkatapos ng ECQ, sasailalim naman sa panibagong dalawang linggong general community quarantine ang mga apektadong lugar.

“Kung wala pang go-signal, hindi pa rin makakalaro ang liga,” pahayag noon ni commissioner Willie Marcial pagkatapos ng on-line meeting ng Board bago mag-Holy Week.

Nabanggit din ni Marcial na muling magpupulong ang Board pagkatapos ng April 30, ang pagtatapos sana ng Extended ECQ.

Nakakiling na ang liga sa two-conference season dahil sa pandemic, kapag humaba pa ang crisis ay posibleng gawing isang conference na lang.

Nakakaisang laro pa lang sa 45th season, sa opening night noong March 8.

Magiging problema kung abutin pa ng hanggang September ang crisis.

“Six months pahinga ang mga teams nu’n, kailangan magpakondisyon pa ulit mga ‘yan,” dagdag ni Marcial. “Ano pa matitira sa season natin?”

Kapag humaba pa ang crisis, papunta sa kanselasyon ng buong season.

Dito pa mahihirapang mag-desisyon ang liga, dahil sa dami ng papaliwanagan – teams, TV coveror, sponsors at suppliers.

Pero sa huli, ang kapakanan pa rin ng lahat ang prayoridad ng PBA. (Vladi Eduarte)