Pagkansela sa VFA ‘di papogi sa Russia, China – Palasyo

Itinanggi ng Malacañang na nagpapa­lakas at nagpapapogi ang Pi­lipinas sa China at Russia sa pamamagitan nang pagkansela sa Vi­siting For­ces Agreement (VFA) sa Amerika.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanselahin ang VFA ay dahil sa naging aksiyon ng Amerika na pakikialam sa panloob na usapin ng Pilipinas.

Ginamit aniya ng Amerika ang US senate para diktahan ang Pi­lipinas para palayain si senadora Leila de Lima at ginawang bala ang US immigration para gipitin ang gobyerno sa pamamagitan nang pagkansela sa visa ng ilang opisyal ng gobyerno.

“Not necessarily. His decision was mainly based on the actions of the US government, with respect to the US senate and the US immigration,” ani Panelo.

Matatandaang sa media interview kay Pangulong Duterte nitong nakalipas na linggo, sinabi nitong unti-unti na nitong binabawasan ang pakikipagmabutihan sa Amerika dahil sa pambabastos at lantarang pakikialam sa Pilipinas na may sa­riling soberenya.

Ang Pilipinas at Amerika ay matagal nang magkaibigan at lalo pa itong pinagtibay sa pamamagitan ng Mutual Defense Treaty na pinasok ng dalawang bansa.

Pero sa ilalim ng Duterte administration, unti-unti itong nagkalamat dahil sa hayagang pagbira sa Pre­sidente lalo na sa kanyang mga ipinatutupad na kampanya laban sa iligal na droga at independent foreign policy kung saan naging malapit ang Pilipinas sa China at Russia. (Aileen Taliping)