Pagkatapos ng court hearing: Buntis na 16-anyos binaril sa hall of justice

Nasa malubhang kalagayan ngayon ang isang 16-anyos na limang buwang buntis matapos barilin ng riding-in-tandem na mga suspek sa labas ng Hall of Justice sa Cagayan De Oro City Martes ng umaga.

Ang biktima na sadyang hindi binanggit ang pangalan ay binaril ng isa sa riding-in-tandem habang papatawid sa labas ng Cagayan De Oro City Hall Branch 22 na matatagpuan sa kahabaan ng Mastersons Avenue, Upper Carmen, ng nabatid na lungsod dakong alas-nuwebe ng umaga.

Ayon kay Carmen Police Station Commander Police Maj. Ian Borinaga, kasama ng biktima ang ina at lola nito galing ng korte nang hintuan sila ng mga suspek at barilin ang dalagita na nagtamo ng tama sa kanang leeg.

Sa ulat, galing ang biktima sa Taguitic, Kapatagan, Lanao del Norte sa korte at dumalo sa arraignment sa kasong acts of lasciviousness na isinampa nito sa kanyang dating amo na isang police major matapos na ireklamo umano ito ng biktima.

Dating kasambahay ng opisyal na hindi muna pinangalanan ang biktima na umanoy nangmolestiya sa kanya base sa ulat.

Ayon naman kay Cagayan De Oro City spokeperson Major Ivan Vinas, iniimbestigahan pa ng pulisya ang mga posibleng motibo ng pamamaril at isa sa kanilang iimbestigahan ang nasabing police major kung may kinalaman ito sa tangkang pagpatay sa 16-anyos na dalagitang buntis. (Edwin Balasa)