Pagkaubos ng tawilis matagal nang inaksyonan — BFAR

Dumepensa kahapon ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa ulat ng International Union for Conservation of Nature (IUCN) na paubos o kabilang na sa mga itinuturing na endangered species ang tawilis na dito lamang sa Pilipinas matatagpuan.

Ang tawilis ang nag-iisang freshwater sardine sa buong mundo na matatagpuan sa Taal Lake sa Batangas.

Ayon sa IUCN, komokonti na ang mga tawilis sa naturang lawa dahil sa sobrang paghuli rito at paggamit ng iligal na fishing gear, paggawa ng mga fish cage at pagdumi ng katubigan.

Sinabi ni BFAR Director Eduardo Gongono na matagal nang kumilos ang kanilang ahensiya para matugunan ang problema sa komokonting supply ng tawilis.

“Matagal nang inaksyonan ito ng BFAR at huli na ang sinasabi ngayon ng IUCN na endangered na ang tawilis,” ani Gongono.

Nagsasagawa na rin aniya ang BFAR ng mga pag-aaral para sa produksyon ng tawilis at maprotektahan ang habitat nito.
Katunayan aniya, ipinagbabawal ang paghuli ng tawilis kapag off-peak season para na rin mapanatili ang lahi nito.