Pagkawala ni Fajardo bentahe sa Magnolia

Laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)
4:30pm — Leo Awards
Opening Ceremonies
7:30 pm — SMB vs. Magnolia

Mapapasabak agad ang Magnolia sa Phili­ppine Cup tormentor San Miguel Beer sa opening­ night ng PBA 45th season mamaya sa Smart Araneta Coliseum.

Uumpisahan ng Leo Awards ang event bago ang Opening Ce­remony.

Sa nagdaang dalawang taon, silat ang Hotshots sa Beermen sa championship. Noong nakaraang taon ay nasagad ang series sa pitong laro, lumamang pa ng 17 sa decider ang Magnolia para lang gumuho sa end-game.

Out na sa buong season si Beermen five-time MVP June Mar Fajardo (broken shin), nagkaroon ng tsansa ang Magnolia na rumesbak. Even field na para sa lahat.

“We all know naman June Mar is a big factor,” ani coach Chito Victolero. “Of course, ayaw natin mangyari iyon kay June Mar and we’re also praying­ for his recovery, but all teams chances are better including ours.”

Sa depensa nabubuhay ang Hotshots, tumibay pa sa pagdating nina Jackson Corpuz mula sa trade at si Aris Dionisio sa draft. Pero tatapusin muna ni Dionisio ang MPBL bago umakyat sa PBA.

Si Rafi Reavis na isa sa moog nila sa paint, ilang araw pang mawawala matapos operahan (appendicitis). (Vladi Eduarte)