Dear Abante Tonite,
Humigit-kumulang sa tatlong daang tsuper ang nakibahagi sa “Tsuper Heroes Day” ng Land Transportation Office na ginawa sa Bulwagang Edu sa LTO Main Compound, East Avenue, Quezon City.
Dito, nagkaroon ng road safety seminar, na inisyatibo ng LTO para sa mga tsuper ng public utility vehicles o PUVs bus, jeepney, taxi at tricycle.
Ika nga ng LTO, ang “Tsuper Heroes Day” ay isang pagbibigay-pugay para sa mga magigiting na tsuper na pinapanatiling ligtas ang mga mananakay.
Sa katunayan, nagkaroon ng libreng gupit at masahe, medical check-up at iba pa, na kahit papaano ay na-enjoy ng mga tsuper.
Sabi ng mga namumuno sa LTO ang “Tsuper Heroes Day” ay unang bugso pa lamang, at tiyak na masusundan pa at magdaraos din ito sa mga probinsya.
Mainam na magkaroon ng refresher course ang mga drayber ukol sa road safety, road signs at iba pa, lalo’t buhay ng mga pasahero ang nakasalalay tuwing sila’y bibiyahe.
Kaya sa pamamagitan ng mga kasamahan kong tsuper, ako po ay lubos na nagpapasalamat sa pamunuan ng LTO na bagama’t kami ay mga hamak na driver lamang ay kinilala nila at kahit papaano ay naging mga `bayani’.
Maraming salamat po.
Nilo Carreon
Jeepney driver
San Juan-Divisoria