Iminungkahi ng isang kongresista na idaan sa mga sanglaan at pribadong bangko ang pagkubra ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Sa ganitong paraan ay mas magiging accessible at convenient ito sa mga benepisyaryo, ayon kay Leyte Rep. Henry Ong, chairman ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries.

Inihalimbawa ng solon na sa mga bayan sa kanyang distrito ay iilan lamang ang sangay ng Landbank.

Karamihan sa mga constituent ng kongresista na benepisaryo ng 4Ps o tumatanggap ng mga benepisyo mula sa PhilHealth, GSIS, SSS, Pag-IBIG, at PVAO ay bumibiyahe ng napakalayo para makarating sa mga tanggapan ng gobyerno at sangay ng bangko o ATM.

“Tulad na lamang dito sa Leyte second district, sana bawat bayan, may bangko or pawnshop, bukod pa sa Landbank branch, kung saan maaaring ma-withdraw ng beneficiaries ang ayuda ng pamahalaan para sa kanila,” suhestiyon ni Ong.