Maghahain ng re­solusyon ang isang grupo ng mga konsehal sa Maynila na naglalayong magsagawa ng imbestigasyon ukol sa paglaganap ng iligal na sugal at prostitusyon sa lungsod.

Sa ilalim ng titulong ‘A resolution seeking to conduct an investigation on the proliferation of illegal gambling operation (sic) and prostitution in the Ciy of Manila’, ang nasabing hakbang ay ginawa matapos maiulat sa mga pahayagan ang reklamo ng mga may-ari ng establisimiyento sa lungsod ukol sa isang grupo ng mga konsehal na ‘umiikot’ upang manghingi ng P30,000 hanggang P60,000 kada buwan at bilang kapalit ay hindi umano sila gagambalain o ipasasara ng nasabing grupo na binubuo ng apat na kasalukuyan at dala­wang dating konsehal.

Binanggit bilang basehan ng resolusyon ang Section 458 ng Local Government Code of 1991 na ngsasabing bilang isang ‘legislative body’ ng lungsod, ang konseho ay maaaring gumawa ng mga ordinansa na pipigil at magpapataw ng multa para sa prostitusyon, bawal na sugal, kasama na ang ‘drug addiction, maintenance of drug dens, drug pushing, printing distribution of exhibition of obscene or pornographic materials or publications and such other activities inimical to the welfare and morals of the inhabitants of the city.’

Ipinagtaka naman ng ilang City Hall insiders na habang mga sinasabing kakampi ni Mayor Joseph Estrada ang naghain ng resolusyon, maliwanag na inaamin naman umano sa resolusyon na laganap ang iligal na sugal at prostitusyon sa Maynila na pinamumunuan ni Estrada sa kasalukuyan.

Lubhang kahina-hinala din umano ang tiyempo ng nasabing resolusyon lalo pa’t nakabinbin sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isang kahi­lingan na imbestigahan nito ang ‘extortion activities’ ng nasabing grupo ng kasalukyan at dating konsehal na nangingikil sa mga establisimiyento sa Maynila.