Paglagda sa MOA ng PNP at club owners itinakda

Itinakda na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang araw para sa paglalagda ng isang memoramdum of agreement (MOA) sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at mga may-ari ng high end clubs sa Metro Manila.

Ayon kay NCRPO Director Chief Supt. Oscar Albayalde, sa Agosto 24 na gagawin ang kanilang itinakdang MOA hinggil sa nasabing usapin.

Sa araw ng lagdaan, ilalatag umano nila kay PNP Chief General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang nila­laman ng kasunduan at maari naman itong mabago pa kung mayroon pang ibang gustong maidagdag ng magkabilang panig.

Sa pamamagitan ng MOA, sinabi ni Albayalde na palalakasin nito ang ugnayan ng pambansang pulisya at club owners para sa pagsugpo ng tran­saksyon ng party drugs sa mga club.

Layunin din ng kasunduang ito na mabura ang masamang imahe ng malalaking club bilang pugad ng sindikato ng party drugs.

Sa bisa ng kasunduan, magtatalaga na ang PNP ng dalawa hanggang tatlong mga nakasibilyang pulis sa mga club.

“Sila ang magmamanman o magsasagawa ng surviellance laban sa mga sindikatong sangkot sa pagpapakalat ng party drugs tulad ng ecstacy, fly high at iba pa sa mga mayayamang personalidad na parokyano ng mga high end club,” pahayag pa ni Albayalde.

Samantala hindi naman minasama ni Albayalde ang pahayag ni Dela Roza na pasang awa lamang sa ngayon ang NCRPO sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.