Ipinagpaliban ng Department of Agriculture (DA) sa Oktubre 27 ang pagtatakda ng Suggested Retail Price (SRP) sa bigas na dapat sana ay sini­mulang ipatupad kahapon (Okt. 23) upang pagbigyan ang hiling ng rice industry na bigyan sila ng 3-araw para maihanda ang kanilang bagong mga signages.

Kasabay ng pagla­lagay ng SRP sa mga bigas na ipatutupad sa Okt. 27 ay kasabay na ding tatanggalin ang mga nakalilitong pa­ngalan ng mga bigas at papalitan ito ng tamang varietal identification gaya ng regular milled, well-milled, premium at special rice at tutukuyin na din kung imported ito o Filipino rice.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, base sa napagkasunduan sa mga stakeholder, ang imported “well-milled rice” na 25% broken ay ibebenta sa P39 kada kilo habang ang imported premium rice na dating P60 kada kilo ay magiging P43 na lamang.

Ang Philippine Rice na regular milled ay ibebenta sa P39 per kilo habang ang well milled ay P44 at premium rice sa presyong P47 kada kilo.

Wala namang iti­nakdang SRP sa mga special rice na kinabi­bilangan ng Cordillera Heirloom Rice, Organic Brown, Red and Black Rice, real Dinorado, Milagrosa, Jasponica, Doña Maria, Hinumay, Malido, Kamoros, Malagkit at iba pang indigenous rice varieties.