Paglaya ni Gloria nabitin ng isang gabi

Naunsyami ang paglabas ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na naka-hospital arrest matapos na hindi makara­ting ang release order nito mula sa Sandiganbayan kahapon.(Art Son)

Nabigo si dating Pa­ngulong Gloria Macapagal Arroyo na makauwi kahapon matapos walang naipadalang Supreme Court (SC) decision copy sa Sandiganbayan First Division na pagbabasehan ng ilalabas na release order.

Dakong alas-singko ng hapon nang magsara ang Judicial and Record Section ng Sandiganbayan First Division na pinamumunuan ni Justice Efren dela Cruz na nag-aantay sa release order mula SC.

Ayon sa isang emple­yado ng Judicial and Record Section ng Sandiganbayan na hindi na papangalanan, hindi na nila mahintay ang release order kaya nagpasya na ang mga itong isarado na ang kanilang opisina dahil hanggang alas-singko lang ang kanilang trabaho.

Dahil dito, napalawig pa ang pagtulog ni Arroyo sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) kung saan ito naka-hospital arrest mula noong Dis­yembre 2011 dahil sa kasong election sabotage.

Noong Hulyo 2012 ay nakapagpiyansa si Arroyo sa nasabing kaso su­balit boluntaryong bumalik sa VMMC makalipas ang dalawang buwan matapos maglabas ng warrant of arrest ang Sandigangba­yan dahil sa kasong plunder kaugnay ng iligal na paggamit umano sa P366 million intelligence funds ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Mula noon ay nanatili na si Arroyo sa VMMC subalit nitong nakaraang Martes ay luminaw na ang paglaya nito matapos absuweltuhin ng 11 mahistrado sa Korte Suprema sa kanyang kasong plunder.

Base sa proseso, kailangang maibigay ng kampo ni Arroyo ang SC decision para maglabas ang anti-graft court ng release order.

Tanging ito na lamang ang inaantay ng Sandi­ganbayan dahil noong 2012 ay nakapagpiyansa na si Arroyo sa kanyang kasong katiwalian kaugnay ng NBN-ZTE broadband scam.

Samantala, kinumpirma rin kahapon ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang on-going preliminary investigation sa panibagong plunder case laban kay Arroyo.

Sa pagkakataong ito ay umaabot sa tinatayang P57 milyong intelligence funds ng PCSO ang involved na halaga.

“This is under preliminary investigation… that covers from 2004 to 2007,” sabi ni Morales sa press conference kahapon.

Pupuwede aniyang maharap muli sa paglilitis ng korte si Arroyo kapag sapat ang mga ebidensya na may pandarambong sa kaban ng bayan.

“Yes… assuming that we can prove that there was… or ransacking the public treasury. Well if after preliminary investigation we believe that probable cause lies then we will certainly hail her into court,” ani Morales.

Aniya pa, walang double jeopardy sa bagong kaso na ikinakasa dahil ibang period ang sakop nito.