Paglilinaw ng Palasyo: Mga sundalo hindi kasali sa tatanggap ng pabuya sa mapapatay na NPA

Nilinaw ng Malacañang na hindi kasali ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa makatatanggap ng pabuya kapalit ng mapapatay na miyembro ng New People’s Army (NPA).

Ang paglilinaw ay ginawa ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) secretary Martin Andanar kasunod ng alok ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lumad at Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) ang pabuya sa bawat mapatay na rebelde.

Batay sa alok ng Pangulo sa mga Lumad, P20,000 kada NPA member na mapapatay habang P25,000 naman ang alok sa mga miyembro ng CAFGU.

Sinabi ni Andanar na malalaki na ang suweldo ng mga sundalo kaya hindi na sila kasali sa mga makakatanggap ng reward kapag nakatiyempo ng rebelde.

“Ang mga sundalo kasi natin ay malaki ang suweldo nila at saka iyon naman talaga ang trabaho nila. Ang CAFGU naman ay maliit lang naman ang suweldo,” ani Andanar.

Kasabay nito pinawi ng kalihim ang agam-agam ng ilang human rights groups na baka abusuhin ng mga CAFGU ang direktiba ng Pangulo at basta na lamang papatay at palilitawing miyembro ng NPA.

“Hindi naman ­ganoon iyong mga ­CAFGU natin, trained din naman ang mga CAFGU at saka wala ­namang mali, hindi ­naman unconstitutional,” dagdag pa ng kalihim.

Batay sa alok ni Pangulong Duterte, bibigyan ng pabuya ang mga Lumad at CAFGU kapag nakapatay ng NPA sa bakbakan sa harap na rin ng banta ng liderato ng Kilusang Komunista na papatay ang NPA ng isang sundalo kada araw.