Hindi lamang pala mga sangkot sa iligal na droga na miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang mga winawalis sa hanay ng ating kapulisan lalo na sa Quezon City Police District (QCPD) kundi ma­ging ang mga pulis na nasasangkot sa iba’t ibang kaso.

Ibig sabihin nito ay hindi pala lahat ng napabalitang sinibak na mga pulis na nakatalaga sa Quezon City ay sangkot sa operasyon ng iligal na droga.

Ilan dito, ayon sa QCPD, ay nahaharap sa mga kasong robbery extortion, illegal arrest, arbitrary detention, perjury at planting of evidence.

Ito ang paglilinaw ni QCPD Director Senior Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar kaugnay sa pani­bagong sibakang ipinatupad sa QCPD.

Ang inisyatibong ito ni Eleazar ay bahagi rin ng pagtugon sa mandatong iniatang sa kanya bilang hepe ng QCPD ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa na sugpuin ang iligal na droga at walisin sa puwesto ang mga kabaro na kung hindi man sangkot sa operasyon ng ipinagbabawal na gamot ay hindi na epektibo sa pagganap ng tungkulin.

Kasabay ng sibakang ipinatutupad ay binigyan ng katiyakan ni Eleazar na ang mga sangkot na pulis sa kung anumang uri ng krimen ay mabibigyan ng due process.

Nabatid na mula sa 72 na mga tauhan na sinibak ay 69 ang hinihinalang sangkot sa iligal na droga, tatlo ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9745 o Anti-Torture Act, theft at arbitrary detention.

Sa kabuuan, aabot na sa 141 ang mga pulis sa QCPD na sinibak sa puwesto.

Pero tiniyak ni QCPD Director Eleazar na tuluy-­tuloy naman ang imbestigasyon sa nalalabing 69 na pulis mula sa orihinal na 88 na naunang sinibak noong Hulyo.

Ang mga mapapatunayang guilty ay tuluyan­ ­namang aalisin sa serbisyo pagkatapos ng gagawing­ dismissal proceedings.

Iyan ang dapat na katangiang angkinin ng mga opisyal, mapa-pulis man o saanmang ahensya ng gobyerno. Dapat ay pinaiiral ang due process para maging patas ang lahat.

Kaakibat ng pagpapairal ng due process ay nariyan ang kanyang kagustuhang linisin ang hanay ng PNP upang maibalik ang integridad at pagtitiwala rito ng taumbayan.

Kaya hangang-hanga ako sa mga pagbabagong nais ipatupad ni Director Eleazar sa QCPD, lalo na sa matigas na desisyong walisin ang mga pulis na nagsisilbing anay sa PNP.

Tama si sir ang mga bulok na ito na maituturing­ na sakit na kanser ay mandadamay lamang kung hahayaang manatili o mamayagpag.

Sana ay magtagumpay ka, sir, dahil malaking pagbabago ang idudulot ng pagpupursige mong ito na linisin ang hanay ng PNP na sinisimulan mo sa iyong pinamumunuang distrito.

Para kasi kay Director Eleazar, ang internal cleansing na kanyang ipinatutupad ay maituturing na transplant kung saan ang mga pulis na nabahiran na ay pinapalitan sa puwesto lalo na iyong mga nasa “frontline” ng laban kontra droga.