Paglilinis sa tiwaling pulis iginiit

Ang paglilinis sa mga tiwaling pulis sa Philip­pine National Police (PNP) ang tanging paraan upang muling magtiwala ang publiko sa kapulisan.

Kaya naman tiniyak ni Sen. Bam Aquino sa liderato ng PNP ang buong suporta ng Senado sa pagsisikap nitong malinis ang kanilang hanay mula sa mga tiwaling tauhan partikular ang mga sangkot sa iligal na droga.

Una nang inamin ni PNP chief Director ­General Ronald ‘Bato’ dela Rosa, nasa isa hanggang dalawang porsiyento ng kapulisan ang sangkot sa iligal na aktibidad, lalo na sa ipinagbabawal na gamot at patuloy umano ang kampanyang alisin sila sa kanilang hanay.

Magugunitang sa panukala ni Dela Rosa sa Senado, nais nitong ibalik sa PNP ang kontrol sa mga institusyon na nagbibigay ng training sa mga alagad ng batas.

Naniniwala si Dela Rosa na very crucial umano ito sa development ng pagpasok ng pulis lalo na pagdating sa moral foundation.

Bukod dito, nais rin ni Dela Rosa na ibalik ang kapangyarihan sa PNP na magtalaga ng appoint chief of police o provincial director at gayundin ang pagbabawal ng paggamit ng prepaid cellphones at pagpapatupad ng national ID system.