Bahala ang Kongreso kung lulusawin o bubuwagin nito ang National Telecommunications Commission (NTC).

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa Laging Handa briefing na ginanap nitong Sabado kung saan isa sa napag-usapan ay ang pagkilos sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para buwagin ang NTC matapos nitong ipasara ang ABS-CBN.

“Iiwan po natin iyan sa lehislatura. Alam niyo naman po iyan, independiente at co-equal branch ng government iyan. Kung talagang ia-abolish naman nila ang NTC, eh ipapatupad naman po iyan ng executive branch ng government,” paliwanag ng kalihim.

Nauna rito, hiniling noong Miyerkoles ni House Minority Leader Bienvenido Abante Jr. na buwagin na lamang ng Kongreso ang NTC at ilipat ang mga kapangyarihan nito sa Department of Information and Communications Technology (DICT).

Para kay Abante, sampal sa mukha aniya ng Kongreso ang pagpapasara ng NTC sa ABS-CBN at “outright act of defiance” dahil una nang tiniyak ng ahensya sa mga mambabatas na bibigyan ng provisional authority ang ABS-CBN para magpatuloy ang operasyon nito kapag napaso ang prangkisa habang dinidinig pa ito ng Kongreso.

Binigyang-diin naman ni Roque na tanging Kongreso lamang ang makapagre-renew sa prangkisa ng ABS-CBN at aaprubahan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Malinaw na malinaw po sa Saliga\gng Batas. Tanging Kongreso lamang po ang pwedeng mag-bigay ng prangkisa. Wala na pong ibang ahensya ng gobyerno na pupuwedeng magbigay ng ganyang prangkisa,” ani Roque.

Tungkol naman sa inihaing petisyon ng ABS-CBN sa Supreme Court (SC) para ipawalang-bisa ang cease and desist order na inisyu sa kanila ng NTC, sinabi ni Roque na ang Kataas-taasang Hukuman ang magbibigay ng kasagutan hinggil dito.

“Iyan po ay sinampa na sa ating Korte Suprema at bibigyan tayo ng kasagutan ng ating hukuman. Hintayin po natin ang sagot ng ating hukuman,” ayon pa sa kalihim. (PNA)