Paglutang ng testigo sa Carl slay napurnada

Napurnada ang pag­harap ng testigo sa pagkamatay ng 19-anyos na si Carl Angelo Arnaiz matapos bahain ang malaking bahagi ng Metro Manila bunga ng bagyo.

Napilitan si Sen. Panfilo Lacson na ikansela ang ikatlong hearing ng Senate committee on public order and dangerous drugs sa pagkamatay ng 17-anyos na si Kian Loyd delos Santos noong Agosto 16 kung saan isinama na rin ang imbestigasyon ang pagkamatay ng isa pang tinedyer na si Arnaiz noong Agosto 18. Ang dalawa ay parehong binaril ng mga pulis sa Caloocan City.

Inilipat na lamang ni Lacson sa susunod na Martes ang resumption ng napurnadang imbestigasyon sa pagkamatay nina Kian at Carl.

Kamakalawa ng ha­pon ay isiniwalat ni Lacson na isang 21-anyos na lalaki ang bumisita sa kanilang tanggapan noong nakaraang linggo at nagsiwalat na nakita niya si Arnaiz na may kasamang bata, bago ito napatay ng Caloocan City Police sa umano’y shootout sa madilim na bahagi ng C-3 Road sa nasabing lungsod.

Hindi naman binanggit ng testigo kung ang batang kasama ni Arnaiz ay ang 14-anyos na si Reynaldo de Guzman.

Nagpasya umano ang lalaking tumestigo dahil sa palagi niyang napapana­ginipan si Arnaiz, lalo na noong nagkatinginan sila sa loob ng police car.