Dahil dito, itinakdang muli ang pagdinig ng Pebrero 21, 2011 upang mabigyan ng pagkakataon ang ama ng biktima na si Alberto Gutierrez na sagutin ang pahayag ni Von Moraleja. Muli niyang iginiit na sa mismong bibig ng ama ng suspek narinig ng mga pulis at barangay tanod na ang kanyang anak na si Kristoffer ang sumaksak sa biktima.

Isinumite rin ni Gutierrez ang printed copy mula sa facebook account ng isang Von Dutch na tumutugma ang larawan kay Kristoffer na nag-post ng katagang “pak yuk a Myka, dakilang tang aka kase dapat lang sayo mamatay”.

Gayunman, sa sagot ni Von Moraleja sa isinumite ni Gutierrez, sinabi niya na hindi tinatanggap sa isang usapin sa hukuman ang pagsusumite ng ganitong uri ng ebidensiya na kinuha sa social media batay na rin sa ilalim ng umiiral na panuntunan ng Korte Suprema.

Matapos ang masusing pagsusuri at pag-aaral ng mga Tagausig sa mga ebidensiyang isinumite ng pulisya, nakakita sila ng matibay na batayan upang i-akyat ang kasong “Murder” laban kay Kristoffer Von Moraleja noong Abril 29, 2011.

Nakasaad sa inilabas na resolusyon ng tagausig na lumalabas sa mga pangyayari na may relasyon bilang magkasintahan ang biktima at ang suspek at naganap ang pamamaslang sa loob mismo ng bahay na tinitirhan ni Kristoffer sa 2434 Sarial St. Decena, Pasay city kung saan pareho silang nasa loob.

Mas binigyang timbang din ng Tagausig ang pahayag ng mga imbestigador at ng dalawang barangay tanod ang namutawi umano mismo sa bibig ng ama ni Kristoffer na si Von Moraleja na nasaksak ng kanyang anak ang biktima at hindi niya alam kung bakit.

Hindi rin sumipot si Kristoffer sa preliminary investigation na itinakda ng Tagausig at sa halip ay ang kanyang abogado ang dumating at iprinisinta ang mga testimonya ng kanyang amang si Von Moraleja na nagpapasubali sa mga pahayag ng dalawang kasamahan sa barangay at ang narinig mula sa kanya ng mga imbestigador.