Heto akoooo! Basang-basa saulaaaaannn. Walang masisilungannnnn, walang malalapitannnn!
Ang kanta ng Aegis ang pumapasok sa isip ko sa tuwing bumubuhos ang ulan at nakikita kong nag-uunahang sumilong sa ilalim ng overpass o mga flyover ang mga nagmomotorsiklo.
Ulan ang numero unong kalaban ng mga nagmomotor, kaya may mga tips kami para maging ligtas kayo ngayong tag-ulan.
1. Dapat kumpleto ang riding gear mo — helmet, rubber boots at two-piece na rain coat. Piliin ang raincoat na bright colored para madaling makita ng ibang drivers.
2. Ihanda ang motorsiklo sa pagsabak sa ulan. Dapat ay nakabalot sa plastic ang kill switch at ignition coil para hindi mabasa.
3. I-check ang mga rubber insulator ng spark plug cap para masiguro na mahigpit na nakakabit ito sa spark plug at high tension cable.
Kapag maluwag o punit na ang mga ito, palitan na ng bago. Ugaliin mo rin na laging langisan ang kadena ng motor mo. At magbaon ka palagi ng tuyong basahan para pamunas sa mga parte ng motorsiklo mo na delikado sa tubig.
4. Tandaan na ang unang patak ng ulan ang pinakadelikado. Sa unang buhos ng ulan ay nagiging madulas ang kalsada. Magmenor agad o tumabi muna.
5. Kung may sinusundan kang sasakyan, tingnan mo kung saan dumaan ang gulong nito.
Doon mo rin idaan ang gulong ng motor mo. Siguradong maiiwasan mo ang manhole at madulas na bahagi ng kalsada.
6. Kapag matagal na ang ulan, puwede ka nang bumilis nang konti. Pero tandaan mo na delikado pa rin ang basang kalsada sa biglaang pagpreno.
7. Tantiyahin muna ang lalim ng tubig bago ka dumaan dito. Kung may ibang sasakyan, paunahin mo muna sila para malaman mo kung gaano kalalim ang baha. Kailangan ay hindi umabot ang tubig sa air intake ng motor mo.
8. Kung tatawid sa baha, sa gitna ka ng kalsada dumaan at first gear lang ang takbo para mataas ang rpm at hindi mamatay ang makina at hindi makapasok ang tubig sa tambutso.
9. ‘Pag tumirik ang motor mo, itulak mo na lang hanggang sa makalampas ng baha. Punasan muna ang kuryente ng motor bago i-start muli.
10. Pagkalampas mo sa baha, i-check ang brakes bago tumakbo nang matulin.
Kapag dumaan ang motor mo sa malalim na baha, i-check mo ang langis. Kung nagbago ang kulay nito at nagmukhang kape na may gatas, ang ibig sabihin ay nakapasok ang tubig sa makina at humalo sa langis. Mag-change oil ka agad.
Tandaan: Ang aksidente ay maiiwasan. Ingat lang palagi, kaibigan!