PAGOD NA PAGOD

Miss Angola

ISANG kaibigang nakadalo sa isang event ng ilang grupo ng mga kandidata ng 65th Miss Universe sa Makati Shangri-La ang nagkuwento sa aming hinimatay ang da­lawang kandidata habang on-going ang activity na dinaluhan nila.

Hindi lang sure ang aming source kung pagtitipon iyun ng sponsors ng timpalak pero dumating daw ang unang grupo at sila ang unang isinalang.

Nagulat daw ang mga taong dumalo nang biglang hinimatay sina Miss Angola (Luisa Baptista) at Miss Curacao (Chanelle De Lau).

Nakunan daw ito ng media, pero pinakiusapan daw sila ng mga staff ng Miss U na huwag na lang nila ilabas.

Usap-usapan daw ng mga sumusubaybay sa activities ng Miss Universe, pagod na pagod na raw ang mga kandidata.

Araw-araw ay may activities sila na kaila­ngan nilang daluhan. Sa dami raw ng mga dapat puntahan, pinaghahati-hati na lamang sila para mapagbigyan lahat.

Overfatigued na raw ang iba dahil kulang sa tulog at laging pagod.

Iyun daw ang dahilan kaya hinimatay sina Ms. Angola at Ms. Curacao.

Miss Curacao
Miss Curacao

Pero masayang-masaya daw ang lahat, lalo na’t namamangha raw sila sa ganda ng Pilipinas.

Ang gaganda ng mga lugar na pinuntahan at masaya sila sa mainit na pagtanggap ng mga Pinoy sa kanila.

Sarap na sarap pa raw ang karamihang kandidata sa mga pagkaing inihanda sa kanila.

Ang ilan pa sa kanila ay aliw na aliw sa pag-aaral ng wikang Tagalog.

Nakakatuwa si Ms. Costa Rica na si Carolina Rodriguez na type na type ang mga Pinoy, dere-deretso na siyang magpakilala ng sarili sa wikang Pinoy.

Tuwang-tuwa pa raw siyang pag-aralan din ang mga salitang bading.

Kapag kinakausap mo ito, isinisingit daw niya ang “choz” at “charing.”

Sa totoo lang, halos lahat daw sila ay masaya sa pamamalagi nila sa ating bansa.

Hinding-hindi nila makakalimutan ang pagsali nila sa Ms. Universe na sa Pilipinas ginanap.