Aamyendahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Local Government Code para ipagpaliban ang Barangay at Sanguniang Kabataan (SK) election sa Oktubre at bigyan ng kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte na mag-appoint ng mga barangay officials.
Ito ang siniguro ni House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez matapos ilutang ni Pangulong Rodrigo Duterte na nais nitong ipagpaliban ang eleksyon sa Oktubre 23, 2017 at magtatalaga na lamang ito ng mga ito ng barangay officials.
“Kinakailangan po ng ano diyan, ng legislation, para magbigay ng kapangyarihan sa Comelec na huwag ituloy ‘yung election. At sa tingin ko naman wala namang Constitutional issues diyan at amendment lang po ng local government code ang kailangan diyan,” ani Alvarez.
Ayon kay Alvarez, kailangang suportahan si Duterte sa kanyang kampanya laban sa ilegal na droga lalo na’t sinasabing 40% sa mga barangay captain sa bansa ay sangkot sa ilegal na droga.
Ang pagpapaliban sa halalan sa barangay at SK election noong Setyembre 2016 ang unang batas na ginawa ng kasalukuyang Kongreso kaya napalawig ang termino ng may 42,028 ang barangay captain sa buong bansa.