Dear Atty. Claire,

Hello po Attorney. Itatanong ko lang po kung okay lang na hindi na baguhin ang mga birth certificate ng ­tatlong anak ko.

Hindi po kasi kami kasal ng kanilang ama at naghiwalay na kami. Gusto sana ng ama nila na isunod sa apelyido niya pero ang dami ng proseso kaya okay lang po ba na huwag na lang baguhin tutal hindi naman tumutulong ‘yung ama nila sa financially?

Tapos sa panganay ko po ay “male” ang nakalagay sa halip na “female”.
Kung magkaroon ako ng asawa at ikasal ­puwede ko po ba ipagamit apelyido niya sa mga anak ko?

Sana matulungan niyo po ako.

God bless po!
Jovie

Dear Ms. Jovie,

Ang kagustuhan ng tatay ng mga bata na ipagamit ang kanyang apelyido ay maganda ang layunin. Ibig sabihin ay kinikilala niya ang kanyang mga anak ngunit sana ay malaman din niya na hindi lamang sa pagbibigay ng apelyido ang pagpapakita na siya ang tatay. Kasama rito ang pagsuporta at hindi pag-iwan sa obligasyon bilang ama.

Ang paggamit ng apelyido ng ama ay nasa kamay ng mga bata.

Ayon sa ating batas na RA 9255 ay:

8.2 Illegitimate child acknowledged by the father shall use the surname of the mother if no AUSF (Affidavit to Use the Surname of the father) is executed.

8.3 An illegitimate child aged 0-6 years old acknowledged by the father shall use the surname of the father, if the mother or the guardian, in the absence of the mother, executes the AUSF.

8.4 An illegitimate child aged 7 to 17 years old acknowledged by the father shall use the surname of the father if the child executes an AUSF fully aware of its consequence as attested by the mother or guardian.
Kaya’t hindi basta maipipilit ng tatay ang nais niya kung walang pagsang-ayon sa mga anak na pinapatotohanan ng nanay.

Kung hindi na nais ng mga bata ay walang magagawa ang ama na ipilit ang gusto. Ito rin ang nakasaad sa kaso na Grande vs. ­Antonio (G.R. No. 206248, February 18, 2014), kung saan sinasabi na ayon sa Article 176 ng Family Code, ang mga illegitimate child ang may karapatan na magpasya kung anong apelyido ang gagamitin. Hindi ang ama o ina ang binibigyan ng karapatan o kapangyarihan na magdikta sa anak kung kaninong apelyido ang gagamitin.

Sa pangalawa mong tanong. Sakaling ikaw ay makasal sa iba ay hindi mo mapapagamit sa mga bata ang apelyido ng magiging asawa mo dahil sa hindi siya ang tunay na tatay. Magagamit lamang nila ang apelyido ng mapapangasawa mo kung sila ay aampuning legal nito at dapat ay may pagsang-ayon sa tunay nilang ama at pagsang-ayon ng mga bata na may edad 10 pataas.

***

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 8410-7624/8922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.