Hindi na dapat pang pag-aksaya­han ng panahon ang panukalang palitan ang pangalan ng Pilipinas o Philippines upang tawaging ­Maharlika.

Ito ay kaugnay kasi ng pagpabor ni Pa­n­gulong Duterte sa panukalang gawing Maharlika ang pa­ngalan ng ating bansa na naunang isinulong ni ­Pangulong Ferdinand Marcos.

Kahit taon-taon ay palitan ang pangalan ng ating bansa ay wala naman itong epekto sa buhay ng masang Pilipino.

Ang dapat palitan ay ang ugali ng mga namumuno sa bansa na madalas mangako sa eleksyon pero hindi naman natutupad.

Bukod sa ugali ay ang dapat palitan ay ang mga opisyal ng gobyerno na puro pagsasamantala sa kaban ng bayan ang inaatupag.
Walang buting idudulot sa mamamayang Pilipino ang pagpapalit ng pangalan ng ating bansa.

Sa ngayon ay maraming Pilipino na ang nagbigay ng karangalan sa Pilipinas tulad sa mga beauty pageants, sports at iba pang larangan na ang ibinandera ay ang pa­ngalang Philippines.

Kung papalitan ang pangalan ng ating bansa ay kailangan itong aprubahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso at kailangang sang-ayunan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng referendum o botohan na gagastuhan pa ng milyong piso.

Hindi rin naman matitigil ang ­kurakutan sa gobyerno kung papalitan ang pangalan ng bansa kung kaya’t masasabi nating paglilihis na naman sa ibang isyu ang ­pagpapalutang sa usaping ito.

Maraming isyu ang inilulutang ng Malacañang tulad ng pagpapalit ng pangalan at natatabunan ang tunay na problema at ito ay ang outbreak sa tigdas at ang sunod-sunod na naman na pagtaas sa presyo ng bilihin.

Dapat ay mag-focus din ang mga Pilipino sa nalalapit na eleksyon sa Mayo ngayong taon at ang maging matalino sa pagboto at huwag pagbasehan ang popularidad at maraming pera sa kampanya kundi ay kung papaano makakatulong sa pagha­ngo sa kahirapan ang buong bansa.