Pinarangalan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga transport group at mga kumpanya ng bus na hindi lumahok sa dalawang magkasunod na tigil-pasada.

Mahigit 30 bus operators at pitong transport groups ang pinasalamatan ni DOTr Sec. Arthur Tugade dahil sa umano’y pag-­alalay sa gobyerno noong panahon ng tigil-pasada.

Kabilang sa mga pinarangalan ay ang mga grupong ACTO, ALTODAP, FEJODAP, LTOP, PASANG MASDA, CODE-X at 1-UTAK.

Ang nasabing transport group at bus operators ay hindi lumahok­ sa tigil-pasada noong Pebrero 6 at 27.

Maliban sa hindi pagsali sa tigil-pasada ay tumulong din, ­ayon sa DOTr, ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapahiram ng kanilang us units para sa libreng sakay sa mga pasaherong ­naapektuhan ng transport strike.

Saludo tayo sa hakbang na ito ng gobyerno sa pamamagitan ng DOTr.

Tama lamang na binibigyan ng pagkilala ang mga sektor na umaalalay sa mga ahensya at tanggapan ng gobyerno sa panahon ng krisis o kagipitan upang hindi naman masyadong tamaan ang publiko sa ganitong klaseng pagkilos o pag-aalsa.

Pero ang sa amin, hindi dapat mangahulugan ang pagtulong na ito ng ilang bus companies at transport group para makunsinti­ ­sila sa ilang maliliit o malalaking paglabag sa ating batas lalo na’t may kinalaman sa batas-trapiko.

Kung may nagagawang mabuti, tamang kilalanin o parangalan pero kung may paglabag dapat ay ipagharap din sila ng kaukulang kaso dahil maaaring pantakip lamang nila sa mas maraming paglabag sa batas ang ginagawa nilang pagtulong sa gobyerno upang pagtakpan ang kanilang kalokohan.