Pagpapatiwakal ni Uge may shock factor

SUICIDE ang tema ng play ni Eugene Domingo na ‘Night, Mother na napanood namin ang second to the last night nu’ng Sabado sa PETA Theater.

Ang bigat at medyo disturbing ang play, na kahit alam naming magpapatiwakal sa ending ang karak­ter ni Uge ay may shock factor pa rin sa amin nang marinig namin ang putok ng baril.

Dalawa lang ang bida sa Pinoy adaptation ng Pulitzer Prize-winning play ng American playwright-novelist na si Marsha Norman. Si Uge at ang batikang stage actress na si Sherry Lara.

1 hour & 20 minutes ang play with no intermission, na tuloy-tuloy ang pag-uusap ng mag-inang Jessie (Uge) at Thelma (Sherry) sa mga huling sandali bago nagkulong sa kuwarto si Jessie at winakasan ang buhay nito.

Kapwa mahusay ang dalawang aktres, na ang lakas ng impact ng mga batuhan ng linya habang kaswal na nagbibilin si Jessy sa kanyang ina bago siya nagpakamatay.

Nai-imagine namin na ang kapal ng script nito at nakakabilib si Ms. Sherry, na sa edad niyang ‘yon ay ang galing niyang magmemorya ng mahahabang dayalog.

Ginawang contemporary ang play para mas maka-relate ang au­dience. Duterte administration ang setting, so may hirit tungkol sa pambu-bully ng China sa ‘Pinas, tokhang, atbp.

6 years ago na ang last stage play ni Uge na Bona sa PETA rin. Nagawa niyang magbalik sa teatro kahit meron siyang dalawang shows sa GMA.

Bet namin ‘yung merong debriefing pagkatapos ng palabas dahil nga sa sensitive material nito. Interesting ang talkback with the audience na may psychologist at mental health professionals na sumagot sa mga tanong.

1981 pa isinulat ni Marsha Norman ang ‘Night Mother pero sobrang napapanahon ito, lalo na rito sa Pilipinas na tila ngayon lang nabibigyan ng pansin ang isyu ng depression dahil sa pagtaas ng suicide cases especially among young adults.

Bibeth may dugong magsasaka

KUNG nasaan man ngayon si Direk Maryo J. delos Reyes ay tiyak na maligaya ito dahil tuloy ang advocacy project na sinimulan niya katuwang ang socio-entrepreneur na si Dr. Mila O. How.

Walang dapat ipag-alala si Direk Maryo dahil nasa mabubuting kamay ang ‘baby’ niya na TOFARM Film Festival, na ang bagong hirang na Festival Director ay ang batikang aktres, screenwriter at direktor na si Ms. Bibeth Orteza-Siguion Reyna.

Kuwento ni Direk Bibeth, sa huli nilang pag-uusap ni Direk Maryo sa Christmas party ng Regal Films last year ay sinabi nito sa kanya na sa u­nang TOFARM ay artista sa isang entry ang asawa niyang si Direk Carlitos Siguion Reyna, tapos last year ay kasama sa isa sa mga pelikula ang anak niyang si Rafa Siguion Reyna.

Kaya ang hirit sa kanya ng nasirang direktor, “Baklah, kailangang next year, nandu’n ka na sa TOFARM,” na nangyari nga.

May mga nag-alala na baka mahinto na ang nasabing filmfest dahil sa pagpanaw ni Direk Maryo, pero ayon sa TFF Executive Producer na si Dr. How, dapat ituloy ang proyekto na very noble ang advocacy para sa mga kababayan nating magsasaka.

“I’m very thankful for this opportunity and privilege to serve the farming community. We are nothing if it were not for our farmers,” bulalas ni Direk Bibeth, na kasali sa cast ng very first movie ni Direk Maryo na High School Circa ’65 nu’ng 1979.

Sa Forbes Park nakatira si Ms. Bibeth, pero in fairness ay meron siyang dugong magsasaka.

Farmer ang lolo niya sa mother side na si G. Marciano Cabuñag ng Barrio Sabang, Calbiga, Samar. Artistic ang kanyang lolo, na namana niya at ng mga kapatid niya.

Bukod sa kanya, bagong TFF Managing Director si Direk Joey Romero at TFF Consultant si Direk Laurice Guillen.

Tumatanggap na ng entries para sa 2018 TOFARM Film Festival na gaganapin sa September 12-18. Bukod sa 7 full-length agrarian films ay magkakaroon na ng Short Film competition starting this year. Log on to www.tofarm.org for more details.