Pagpapauwi ng mga OFW sa probinsya, sagot ng gobyerno- Roque

Sasagutin ng gobyerno ang lahat ng gastos sa pagpapauwi sa mga probinsiya ng may 24,000 overseas Filipino workers (OFWs) na natengga ng halos isang buwan sa Metro Manila.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailangang mapauwi sa loob ng isang linggo ang lahat ng OFWs na nasa Metro Manila.

Gagamitin aniya ang lahat ng serbisyong pang-transportasyon ng gobyerno kaya hindi dapat na magbayad ang pauuwing OFWs.

“Wala pong gastos ang mga OFW, gobyerno po ang may sagot. Kung eroplano, gobyerno ang magbabayad, ganoon din kapag bus at barko,” ani Roque.

Nakarating sa Pangulo ang report na dahil matagal bago naisailalim sa COVID testing ang karamihan sa mga OFW, napilitang magbayad na lamang ang mga ito sa Philippine National Red Cross (PNRC) ng mahigit tatlong libong piso para masuri at makauwi na sa kanilang mga pamilya sa mga probinsiya.

Sinabi ni Roque na hindi katanggap-tanggap kay Pangulong Duterte na matapos maglingkod ang mga OFW para sa bayan ay pinapahiran pang maghintay sa kanilang COVID test results sa bansa.( Aileen Taliping)