Pagpapawalang-bisa ng kasal

Dear Attorney Claire,

Magandang araw po. May gusto lang po akong malaman. Itatanong ko lang po kung ano ang dapat kong gawin kasi kasal sa unang babae ‘yung husband ko at legal pala ang marriage nila.

‘Yung sa amin naman po ay nakakuha ako ng copy sa PSA. May ­registry number din po ang kasal amin. Legal po ba ‘yung sa amin?

Ano po ang dapat kong gawin para mapawalang bisa kasal namin?

Hiwalay na rin po kami at nasa kanya ‘yung dalawang anak namin. Ayaw po niya ibigay sa akin. Ano po dapat kung gawin gusto ko po sana makuha ang dalawang anak ­namin?

Maraming salamat po Attorney Claire.

Gumagalang,

Rowena

Dear Ms. Rowena,

Kung ang kasal sa una ay hindi naman napawalang bisa at ang kanyang asawa ay buhay pa nang kayo ay nagpakasal ang inyong kasal ay maituturing na bigamous marriage na ang ibig sabihin ay pangalawang kasal habang may bisa pa ang unang kasal. Ang inyong kasal ay walang bisa sa simula’t simula pa lamang.

Ang dapat mong gawin ay ipawalang bisa mo ang inyong kasal sa pamamagitan ng pagsampa ng Petition for Nullity of Marriage sa korte. Ang bigamous marriage ay isang matibay na ground o basehan para mapawalang bisa ang pangalawang kasal. Mas makakabuti na ipawalang bisa ang inyong kasal bago pa kayo makasuhan ng bigamy.

May karapatan kang kunin ang inyong mga anak kung sila ay 7 taong gulang o ­pababa maliban lamang kung may dahilan na ­hindi ka ­mapagbigyan na makuha ang ­custody nila tulad ng ­imoralidad, drug ­addiction, ­masamang impluwensiya, ­nananakit, etc.

Tandaan kapag napatunayan sa korte na kayo ay may ­bigamous marriage ay ­maituturing na ­illegitimate ang mga anak at sila ay dapat na sa pangangalaga ng ina.

Kung ayaw ipakita sa iyo ang mga anak ay magsampa ka rin ng Petition for Habeas Corpus para mautusan siya ng korte na ilabas at dalhin ang mga bata sa korte.

***

Kung may katanungan pa ay ­tumawag lamang sa 4107624/9220245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.